Jacket........
Ngayon ko lang naramdaman, malamig pala talaga sa loob ng sinehan. Ilang buwan na akong napapadalas sa panonood ng sine, pero hindi ko maalala na nilalamig ako. Madalas kasi, hihiramin ko sa 'yo ang jacket mo, na madalas mong dala-- kaya siguro hindi ko nararamdaman ang lamig.
Nakakamiss naman ang jacket na iyon.
Namimiss ko ang jacket na ‘yon, kasabay ng marami pang bagay at alaala--- ang madalas na pagtunog ng cellphone ko, dati dahil sa text, at nang masira ang text messaging ng cellphone ko, tawag naman, na nagtatanong kung nasaan ako at kung saan mo ako o kame pwedeng puntahan; ang pag-buzz mo sa akin sa YM at ang pagchachat natin hanggang madaling araw; ang walang kamatayang hirit mo ng “Tara SM tayo, libre mo ko”; ang dismayado mong mukha kapag sinabi kong sa McDo Carpark tayo ulit kumain; ang McFloat at ang walang kamatayang laro ng tictactoe; ang walang humpay na kantahan ng “Rainbow”, “Wherever You Will Go” at “Hanging by a Moment”; ang bidahan tungkol kay “Legolas”, “Clark Kent” at “Lana Lang”; ang kilitian na humahantong sa sakitan at pikunan; ang mahaba at nakakapagod pero masayang lakad natin patungong sakayan ng NIA-NPC; ang mga seryosong kwentuhan tungkol sa buhay-buhay.
Pero gaya ng jacket, pahiram mo lang sa akin ang lahat ng iyon.
Para bang ang lumipas na panahon na magkasama tayo ay isang araw ng panonood ng sine-- at ang mga alaalang iyon ay animong jacket na pinahiram mo sa akin para hindi ako lamigin. Sa halip, nabalot ako ng kasiyahan at seguridad. Naging komportable ako sa pagkakasuot ng jacket na iyon. Naging bahagi na ito ng aking pagkatao. Nakalimutan kong matatapos din pala ang sineng pinapanood natin at kailangan ko nang ibalik sa 'yo ang jacket mo.
At ngayoÂ’y tila tapos na nga talaga ang sine.
Kailangan ko nang hubarin ang jacket. Kailangan ko na itong ibalik sa 'yo.
Salamat sa jacket. Salamat sa pagpapahiram nito sa akin. Salamat dahil kahit sa maikling panahon, naging masaya ako.
Masasanay din ako sa lamig.
Page created: August 27th 2004 03:40 AM

***
Posted at on in as a post.